Organic Farming Sa Pilipinas: Mga Pataba, at Pamatay Kulisap


Ang Kagawaran ng Pagsasaka ay katuwang ng ating gobyerno sa pagsusulong ng sapat at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain. Sa pamamagitan ng Republic Act 10068 isisunulong nito ang Organikong Pagsasaka . Ang Organikong Pagsasaka ay naglalayon ng malulusog na pamumuhay sa tao, mababang gastusin sa produksyon at nagpapanatili ng pamumuhay ng mga mikrobyong tumutulong sa pagpapataas ng produksyon, malusog na hayop at tubig.

Image result for organic farming
  • Hindi gumagamit ng mga nabibiling pestisidyo.
  • Gumagamit ito ng maraming kompost, dumi ng hayop, kilib, green manure, binurong katas ng halaman, salit-tanim, palit-tanim, halo-halong pagtatanim at suno-sunod na pagtatanim upang mapalusog ang lupa, masugpo ang damo, sakit at insekto, matipid sa tubig at dalas ng padidilig.
  • Makakaani ng ligtas at masustansyang pagkain.
  • Maiiwasan ang pagkalason ng lupa at tubig.
  • Mapapangalagaan ang kalikasan.

Dahilan ng pag-oorganiko

  • Maiwasan ang masamang epekto ng kemikal sa kalusugan ng katawan.
  • Maiiwasan ang masamang epekto ng mga pestisidyo sa kalikasan, hayop, buhay-ilang, lupa, tubig at hangin.
  • Maisasa-alang -alang at mabibigyang halaga ang lahat ng may buhay.
  • Isang magaan na paraan ng pamumuhay.

Mga Pamantayan sa Pag- oorganiko

  • Pagtatanim ng binhing galing sa organikong halaman.
  • Paggamit ng Organikong Pataba.
  • Hindi paggamit ng pestisidyo o lason sa pagsugpo ng peste at sakit.
  • Malayo sa tanimang gumagamit ng mga kemikal (pestisidyo at iba pa).
  • Paggamit ng pamamaraan nagsasaalang-alang sa kalikasan at lahat ng mga nilalang.

Paggawa ng mga Organikong Pataba

TEA MANURE 1

Materyales

Binulok na dumi ng baka, kabayo o kalabaw
Plastik na Drum - 200 litro ang laman 
Tubig
Pabigat

Paraan ng paggawa:

  1. Ilagay sa sako ang binulok na dumi ng hayop.
  2. taliang mabuti, lagyan ng pabigat at ibabad sa drum na may tubig.
  3. Takpan at hayaang maburo ng isang linggo.
  4. Kung gagamit ng pahbol na abono, idilig ng puro tuwing ika-30, 45 at 60 araw.
  5. Kung malimit namang gamitin, bantuan ng tubig (1:1)
  6. Maaaring idilig sa bunton ng kinokompost para mapabilis ang pagkabulok at madagdagan  ang makabuluhang mikrobyo. 


Tea Manure 2 (BOKASHI)

Materyales:

1 kilong pinatuyong ipot ng manok
1 kilong pulang asukal
20 litrong tubig
Plastic Drum (20 litro ang laman)

Paghahanda: 

  1. Tunawin ang isang kilong pulang asukal sa 20 litrong tubig
  2. Ibabad ang binulok na ipot ng manok na nakasilid sa sako o net bag.
  3. Buruhin ng isang linggo.
  4. Maaari ng gamiting abono at pandilig.

BINURONG KATAS NG HALAMAN

Materyales: 

1 kilong tinadtad na katawan ng saging
1 kilong pulang asukal
Plastic  na lalagyan

Paghahanda:
  1. Paghaluin ang tinadtad na katawan ng saging at pulang asukal.
  2. Ilagay sa net bag.
  3. Daganan ng pabigat (plastic na may tubig)
  4. Takpan ng papel at iimbak ng 5-7 araw  sa isang madilim at tuyong lugar.
  5. Maaari nang gamiting abono para sa dahon o idilig sa kamang taniman.

KOMPOST

Materyales:

Anim (6) na pulgadang tuyong sangkap:
-Dahon, Damo, Dayami
At iba pang matagal mabulok
Tatlong (3) pulgadang basang sangkap:
Dahon ng kakawate
Tuyong dumi ng hayop
ipil-ipil at iba pang legumbre
Nabubulok na bagay galing sa kusina
Isang (1) pulgadang malusog na lupa

Paraan ng Paggawa:

  1. Ilatag muna ang 6 na pulgadang tuyong sangkap.
  2. Ipatong ang 3 pulgadang basang sangkap.
  3. Latagang muli ng 1 pulgadang malusog na lupa at diligan ng "tea manure".
  4. Ituloy ang pagubunton hanggang umabot sa taas na 4 -5 piye.
  5. Lagyan ng suportang kahoy sa paligid upang hindi matumba.
  6. Lagyan ng pasingawan sa gitna.
  7. Takpan ng plastic at hayaang mabulok ng 2-3 buwan.

LACTOBACILLI  (Lactic Acid Bacteria Serum)

Materyales:

Hugas-bigas, Garapon
Papel na pantakip
Gatas (fresh o powdered)

Paghahanda:

  1. Ibuhos ang hugas-bigas hanggang kalahatian ng garapon.
  2. Takpan ng papel makalipas ang 5 minuto at talian.
  3. Ilagay ang garapon sa madilim na lugar
  4. Hayaan g maburo ng limang araw.
  5. Salain at itabi.

Paggawa ng Lactic Acid Bacteria Serum (LABS)

  1. Maglagay ng binurong hugas-bigas sa bagong garapon, 1 bahagi.
  2. Buhusan ng 10 bahaging kinanaw na gatas.
  3. Haluing mabuti, takpan ng papel at ilagay sa madilim na lugar.
  4. Buruhin ng 5-7 araw.
  5. Pagkatapos ay salain.
  6. Ang matirang sabaw ay nagtataglay ng lacto bacilli, ito ang tinatawag na lactic acid bacteria serum.

Paano gamitin:

Magtimpla lamang ng 3% LABS at maaaring gamiting:
  1. Inumin ng mga alagang hayop upang upang gumanda ang kondisyon ng tiyan.
  2. Pandilig ng bunton ng kinokompost upang bumilis ang pagkabulok.
  3. Pangbomba sa halaman upang lumakas ang resistensya laban sa sakit at peste

Iba pang bagay na nagpapabilis sa pagkabulok ng kompost:

- Tuyong dumi ng hayop
- kompost
- Lupa
-Nabubulok na basura
- Ihi

Green Manure

Materyales:
Mga legumbre katulad ng:

- Mungo
- Soya bean
- Velvet bean
- Mani
- Sesbania
- Paayap

Pagtatanim
  1. Isabog ang mani sa lupang tataniman
  2. Hayaang tumubo ang mga halaman mula 30 -45 na araw hanggang sa panimulang pamumulaklak.
  3. Araruhin ang mga halaman at ihalong mabuti sa lupa.

Inuling na Ipa

  1. Maghanda ng tuyong ipa, drum at pasingawan na screen.
  2. Magrolyo ng kalahating metrong screen, lagyan ng dyaryo sa loob at itayo sa gitnang bahagi ng drum.
  3. Buhusan ng ipa ang palibot  ng screen sa loob ng drum, siksikin at takpan ng lupa. Huwag takpan ang singawan.
  4. Sindihan ang dyaryo at hayaang mag-apoy at mauling ang ipa.
  5. Maaari ng gamitin paglamig ng ipa.


Paggawa ng Pambomba sa Pesteng Kulisap at Sakit mula sa Katas ng Halaman

Neem

  1. Magdikdik ng 20 - 50 g buto ng neem.
  2. Ihalo sa 1 litrong tubig at ibabad magdamag
  3. Salain at gamiting pambomba

Mahusay para sa:

Salagubang, aphids, bukbok, diamondback moth, stem borer,  army worm, nematodes, mites, grasshopper, rice ang corn borer, leaf hopper, termite, leaf miner, fruit fly at iba pa.

Siling Labuyo

  1.  Magdikdik ng 25 piraso ng sili.
  2. Ihalo sa 1 galong tubig.
  3. Lagyan ng 1 kutsaritang sabon (Perla o Surf o Tide upang maging madikit)
  4. Gamiting pampomba laban sa uod, aphids at iba pang malalambot at manipis na katawang insekto

Madre de Cacao o Kakawate

  1. Dikdikin,at katasin ang dahon at sanga.
  2. Bantuan ng tubig.
  3. Gamiting pambomba laban sa cut worm, flies, plat hopper.

Amarilyo o Marigold

  1. Dikdikin ang dahon, ugat at bulaklak.
  2. Ibabad sa tubig ng magdamag.
  3. Salain at gamiting pambomba laban sa nematodes, green leaf hopper, diamondback moth.

Pulang Sibuyas

  1. Magdikdik ng 1 kilo ng sibuyas.
  2. Ibabad sa 7 litrong tubig magdamag.
  3. Salain at gamiting pambomba laban sa sakit dulot ng amag tulad ng Cercospora, Fusarium, Collectotrichum at iba pa.

Bawang

  1. Pakuluan ang 1 ulo ng bawang.
  2. Palamigin at gamiting pambomba laban sa Alternaria, Cercospora, Colletrichum, Curvulria, at iba pa.

Comments

  1. Góod morning po,pra po Sa pester at uod,kelan Ang edad Ng sibuyas at Anong Oras po pwd itong iaply pang spray

    ReplyDelete

Post a Comment